Dalawang tao, nagkakilala,
nagkaibigan
nagpakasal at nagsumpaan;
Masaya’t maligaya,
sulirani’y nalulunasan.
Buhay may asawa’y di natagalan,
di magkasundo
nagsusumbatan;
Malungkot, masakit,
salitang binibitiwan.
Di pagkakasundo’y nauwi sa hiwalayan,
di man lamang sinubukan
sulirani’y pag-usapan;
"IKAW ANG
MALI
, AKO ANG TAMA!"
"LUMAYAS KA, AKIN ANG MGA BATA!"
Paano na ang mga bata?
Lalaki silang walang pag-aaruga,
salat sa pagmamahal ng isang magulang
salat sa disiplinang kanilang kailangan.
Sugat ay naghilom,
peklat ang naiwan;
Sakit na naramdaman
ay iyo nang nalimutan.
Dalawang tao nagkakilala
isa’y hiwalay, isa’y di na malaya;
Naging magkaibigan,
nagkaunawaan
"Alam ko ang iyong nadarama."
"Ako ri’y dumaan sa ganyang situwasyon,
pagkakamali ko noon ay batid ko na ngayon;
kung maibabalik ko lang buhay namin noon
disin sana’y walang malungkot ngayon."
"Ika’y aking nauunawaan,
sadyang mahirap talaga;
Pagsisisi’y sa huli
kung kailan mahirap nang
iwasto ang
mali
."
"Salamat sa iyong pang-unawa,
sa iyong pag-aalala;
Mayroon na tuloy akong
sa iyo’y nadarama."
"Mahal kita, alam mo ba?
nguni’t di dapat ang aking nadarama;
Bakit ganito,
tadhana’y mapagbiro?"
Magsing-irog ay pinaglalayo,
istranghero ay pinagtatagpo;
Nagmamahala’y nag-aaway
magkaibiga’y nagmamahalan.
Bakit di na lamang hayaang
mag-asawa’y maging magkaibigan;
Magmahala’t mag-unawaan
maging totoo sa sumpang binitiwan?
Kung magkakaganon
di na
sana
kailangan
sa kaibiga’y mayro’n kang
madamang di-pangkaraniwan.
Di na
sana
kailangan,
kaibiga’y magmahalan;
Disin sana’y naiwasan
puso nating sugatan.