Kumusta ka na, Hudas? Saan ka ba nagtago?
Ang tagal mong nawala, bigla kang naglaho.
Kawangis mo’y isang ahas na di marunong magpahalaga
Sa kamay ng taong sa iyo’y kumalinga.
Nalimutan mong isaalang-alang na mahirap maghanap;
Ang totoong kaibiga’y mahirap maapuhap.
Kayrami nga diyang naglipana, tila mga anghel ang mukha;
Mga hayop pala sa gubat - naninibasib. nangangagat!
Di mo binigyang halaga nang ika’y makakita;
Ng isang taong mapagpala, sa puso niya ika’y inaruga.
Bakit sa isang kisapmata ikaw ay nag-iba?
Sumama sa iba na di mo lubos na kilala?
Mayroon bang suliranin? Mayroon bang sigalot?
Ikaw ba’y aking nasaling? Puso mo’y aking sinaklot?
Anuman ang iyong dahilan, gulo sana’y naiwasan,
Kung pinagsikapan man lang sulirani’y pag-usapan.
Bagkus ika’y biglang nagbago, di na nagkikikibo;
Ikaw ay lumayo . . . Sa buhay ko’y naglaho.
Nais ko sa iyong ipaabot, di ko laan ang dahilan
Ng iyong pagtatampo’t labis na pagdaramdam.
Kung ako ma’y nagkasala, ito’y di ko sinasadya
Ako sana’y binigyan ng pagkakataon,
sana
sa aki’y iyong pinabatid,
nang ako sana’y nakapagpaliwanag,
o nakahingi man lang ng patawad.
Akin na lamang nabalitaang ika’y kabilang sa isang samahan,
Kung saan sa inyong umpukan, ako’y pinag-uusapan;
Naramdaman ko na lamang, sila’y nagsipaglayo na rin,
Walang ni "hi" o "hello", di na rin namamansin.
Bakit ganoon, kaibigan, ako’y iyong siniraan?
Kung tunay kang kaibigan, pagkatao ko’y di aapakan!
Nguni’t ako nga pala’y nagkamali sa aking pagpili,
Di pala tayo magkaibigan, nagkasama lang pala sa lakwatsahan.
Iyo sanang tandaan, sa isang samahan,
Maging ito ma’y sa pag-ibig o sa pakikipagkaibigan;
Malinis na hangarin, tunay na pagmamahal
at paggalang sa damdamin ang siyang batayan.
Paglipas ng panahon . . .
Tayo’y muling nagkatagpo;
Kumusta ka na, Hudas?
Ilang ginto’t pilak ba ang aking katumbas?!