Pag-usbong ng Ligaya (Para kay W. J. Sonita)

Filed under: Poetry — wjsonita at 7:40 pm on Saturday, May 27, 2006

Tula

mula kay Raul Funilas

(posted in Kamakatahan, May 25, 2006)

Tumabing ang ulap sa iyong ligaya
Ragasang himutok ang lunging pagsinta.
Ikaw ay nasadlak sa lungkot at pitang
Ninais ng takdang tila ba parusa.
Ikaw ay babaeng taga sa panaho’t
Daho’y anong tibay hindi yumuyungyong.
Anumang sapiting tadhanang naukol
Dagliang titindig, hindi pasusukol.

Panaho’y nalagas sinugba’y pagtula.
Ang puso’y inaliw tagong talinghaga’t
Nanulay sa saknong ng bighaning tala.
Limutin ang lumbay lumukob sa diwa.
Ika’y nakakita ng Binhing Pag-asa
Luha mo’y pinahid sa namugtong mata.
Iginuhong lupa’y umusbong ay saya’t
Olibang yumabong, nagsanga, nagbunga.

Ayokong Tawagin Kang Ligaya (para kay Joy)

Filed under: Poetry — wjsonita at 6:57 pm on Friday, May 26, 2006

Tula mula kay Kiko Monteseña

Dahil ikaw na naglalagi sa dulo
ng hindi ko maihintong paghinga

ay mahalaga, at ang ligayang
tinuturan nila ay tanging pagbibigay

ng aliw sa pita,  hindi ko hahayaang
bahiran ng putik ang lantay na pangalang

aking iniingatan. Ang Ligayang kilala
ko ay dalisay ang puri at tanging dinadambana

ng aking pagtatangi. Nais kong ikintal ka sa
pangalang kapuri-puri at walang bahid

ng kanilang  paghahangad. Ayokong tawagin
ka nila sa pangalang ukol kay Magdalena.

Isang pagbati noong Araw ng mga Ina

Filed under: Current Affairs — wjsonita at 7:26 am on Monday, May 22, 2006

Pagbati mula sa isang kamakata,

Willie Bongcaron

Para sa isang espesyal na ina

sa kamakata…. isang pagpupugay

at pag-aalay;

di man makita nang kung

ilang araw,

sapat nang bumati upang mundo nami’y

magkakulay!

HAPPY MOTHER’S DAY LIGAYA… 

Isang mensahe galing sa isang kamakata

Filed under: Poetry — wjsonita at 10:20 pm on Saturday, May 20, 2006
Alam mo gusto kitang tulain Ligaya?


By Tata Raul Funilas


Katulad mo'y isang patlang


na gustong pumailanlang


sa kalawakan ng buhay--


tuparin ang maging Nanay.





Katulad mo'y alikabok


na galing sa Amang Diyos,


sa katali'y ihahaplos


buong galing na may lugod.




 

Maligaya kang makata


sa Kamakatahang bangka,


minsan ka lamang tumula
bigla kaming namamangha.


Pag-aalay

Filed under: Poetry — wjsonita at 3:13 am on Thursday, May 18, 2006

Buong puso kong inaalay

mga abang katha

sa inyo na umagapay

at sa buhay nakasama.

Sa inyo na sa aki’y nagpaligaya

nagdulot ng halakhak, ligaya at tuwa;

Sa inyo na naging sanhi

ng aking kalungkutan at pagkasawi.

Sa inyo na naging bahagi

ng lahat ng aking pagpupunyagi;

sa inyo na nakasama sa pag-ikot

sa gulong ng buhay na lubhang malikot.

Sa inyo na sa aki’y nakasakit

sinadya man o hindi;

Sa inyo na aking nasaktan

lihim man o hantaran.

Sa inyo na aking nakahalubilo

dito sa aking munting mundo;

at sa inyong naghatid sa akin

ng sanlibo’t sanlaksang mga damdamin.

Salamat po, Inay…

Filed under: Poetry — wjsonita at 9:52 pm on Friday, May 12, 2006

Salamat po, inay…

sa mundong maliwanag ako’y iniluwal;

nang ako’y isilang, buhay mo’y isinugal

ang lahat nang ito dahil ako ay mahal.

Salamat po, inay…

sa nirarayuma mong mapagpalang kamay;

sa pagtuturo ng maraming bagay-bagay

at sa walang sawang paggabay sa ‘king buhay.

Salamat po, inay…

sa iyong mga malalamyos na paghaplos;

sa yong malamusika’t malambing na tinig

at sa iyong mga mapagkandiling bisig.

Salamat po, inay…

sa yong pagsuhay sa una kong mga hakbang;

sa pagwasto sa bagong katagang tinuran

at sa awit sa aking pagal na katawan.

Salamat po, inay…

sa yo na aking matiyagang unang guro

ng abakada at isa, dalawa, tatlo

at sa mga magagandang asal na turo.

Salamat po, inay…

sa pagturo ng halaga ng kalikasan;

sa ganda’t halimuyak ng mga bulaklak

at sa halaman, hayop, bundok’t karagatan.

Salamat po, inay…

sa mga unang kwento, alamat at tula;

sa paliwanag sa mga di mawawaan

at sa aral na sandigan sa katandaan.

Salamat po, inay…

sa lakas ng loob na iyong pinahiram;

sa pagharap sa bukas nang may katatagan

at sa tuwina’y pagpili ng kabutihan..

Salamat po, inay…

sa turo mong pananalig sa Panginoon;

sa inspirasyong dala ko mapasaan man

at sa iyong balikat na aking iyakan.

Higit sa lahat, salamat po, aking inay…

sa lahat ng iyong ginawang pang-unawa

sa ‘king mga pagkukulang at maling gawa.

Walang kapantay ang iyong pagkadakila!