Kakaibang Adonis

Filed under: Poetry — wjsonita at 3:34 am on Friday, September 22, 2006

By W. J. Sonita

Matinik ka sa tsikas
wala kang pinipili;
Sila ay walang takas
pag iyong nakatabi.

Kwintas mo ay babae,
korona mo rin sila;
Animo’y bagong kotse
pinaparada mo pa.

Bukas laman ng “hedlayn”
kawawa mong biktima
nagbigay ng katawan,
puso at kaluluwa.

Kasama sa balita
motel na pinasukan;
Ilang ulit ginawa
nagpasirku-sirku pa!

Saan ang  nunal niya?
Magaling bang humalik?
Dila’y nang-iiskrima?
Masabaw bang buko n’ya?

Minsan ika’y nagtanong
bakit sa ‘yo nabaliw?
Hindi yan sa agimat
kundi sa ‘yong pagpanggap.

Kunwa’y maamong tupa
lobo palang mabangis;
ngunit kakaiba ka . . .
tsismoso kang Adonis!

Mauna Ka Nang Bumato

Filed under: Poetry — wjsonita at 4:22 am on Thursday, September 21, 2006

by W. J. Sonita

Hinahamon kita! Kung ika’y walang sala
tumayo ka at mauna ka nang bumato
sa babaeng binansagan mong Magdalena
na kamo’y naglaro sa umibig mong puso.

Hindi baga naghangad ka ring makasamyo
ng ibang bulaklak na di naman sa iyo?
Di ba ikaw na mapaglarong paru-paro
ang s’yang dumapo sa bulaklak na tuliro?

Wala sigurong haliparot sa mundong ‘to
kung wala ring mapagsamantalang tulad mo.
Ang sabi mo ay nagkunwari akong lantay
nagkunwa ka namang sa aki’y gumagabay.

Bakit ka nasaktan nang ika’y aking iwan
samantalang di mo naman inalintana
pagluha ng mga pusong pinaglaruan?
Sabihin mo ngayon… kaya mo bang bumato?

Gaano Mo Ako Kamahal?

Filed under: Poetry — wjsonita at 1:03 am on Wednesday, September 20, 2006

W. J. Sonita

Sa napakaigsing panahon, iyong tinuran

Ako’y mahal, pag-ibig mo’y huwag pagdudahan;

Sagot ko ito’y isang malaking kahangalan

Maaari bang magmahal ng taong di mo kilalang lubusan?

O isa lamang kalibugan ang iyong nadama?

Kapwa natin alam tayo ay di na malaya

Ngunit ito ay ating pinagwalang bahala –

Nagtampisaw tayo sa putik ng pagkasala.

Lumipas ang panahon ako ay natauhan

Tapos na’ng laro natin, oras na ng uwian.

Bakit ka nagalit at ayaw akong payagan?

Sadya bang inisip mo ay walang katapusan?

Ang pag-ibig mo ngayo’y aking masusubukan:

Kaya bang unawain ang pusong naguluhan?

Kaya ba nitong maggawad ng kapatawaran?

Kaya ba nitong magkaloob ng kalayaan?

Kumusta Na, Aking Mahal?

Filed under: Poetry — wjsonita at 12:53 am on Wednesday, September 20, 2006

By W. J. Sonita

Mula nang ako’y lumisan

sa piling mo aking sinta;

Sinong nasa ‘yong kandungan?

Sa kanya ba’y maligaya?

Iyo bang naaalala?

Matamis nating nagdaan?

Yakap na anong higpit pa….

walang humpay na anasan.

Mahimbing ba ang yong tulog?

Di ka ba binabangungot?

Ikaw ba’y di nahuhulog?

Siya ba ay di malikot?

Pa’no ka niya tinatawag?

Pa’no mo siya nilalambing?

Dila ay nangagsikawag

ako’t siya’y hinahambing.

Kaydali mong nakalimot!

Sa kanya ay nahumaling;

Puso kong iniingatan

sadya mo pang sinugatan.

May sarili ka nang buhay

dapat na akong bumangon;

Akin nang dapat magamay

buhay na wala ka roon.