Filed under: Uncategorized — wjsonita at 8:33 pm on Thursday, August 9, 2007

Pasaway Ng Buhay Ko

ni W. J. Sonita

Likas daw matigas ang iyong ulo -

kahit anong gawing bilin sa iyo

di mo sinusunod nang buong-buo;

Ginagawa’y sariling diskarte mo.

Malakas ka raw sa nasa itaas…

kaya ka raw ganyan, mayro’n kang basbas;

Ikaw ri’y mayabang at abusado;

Ako’y magtatanong, ‘to ba’y totoo?

Tamad ka daw sa iyong obligasyon,

Mabagal magtrabaho at umaksyon;

Ayaw mong tumulong at mautusan

Lagi kang may nakahandang dahilan.

Namimili ka rin daw ng trabaho,

ayaw mo ng mahirap at mabaho;

Di ka sanay at lubhang madiriin

dahil sa angkang may-kaya ka galing.

At sari-sari pang mga asunto

ang reklamo nila laban sa iyo.

Dumating ang araw ako rin mismo

di nakatiis at naasar sa ‘yo.

Napikon ako’t nag-init ang ulo

Tamang sermunan ka ang naging trip ko.

Tahimik kang nakaupo’t nakinig

Sa ‘king tinurang iba’t ibang panig.

Nakita kong kulang ka sa paggabay,

ninais sanang gawin ang mahusay;

Di lang alam kung saan at paano

magsimula sa iyong pagbabago.

Sa lahat nang ito aking natanto,

may mabuti ka palang pagkatao;

Ang nakita sa iyong kayabangan

ay pagkahiya’t kakimian lamang.

Ika’y nagalak na kahit papa’no

sa iyo’y mayroong nagtitiyaga;

Nangangaral, nagbibigay ng payo

gumagabay at sumusuporta.

Ikaw nga’y lubos na nagpasalamat

na sa iyong buhay ako’y dumating;

Iyong naagapan ang mga lamat

sa buhay dulot ng maling gawain.

Kung noon ako’y nabubugnot sa ‘yo,

ngayon nama’y nais kong malaman mo:

Ako’y masaya sa ‘yong pagbabago,

ituloy mo kahit ako’y malayo.

‘Bigan, huwag mo sanang  kalimutan,

may isang JOY kang naging  kaibigan

na walang ninais at pinangarap

kundi tagumpay mo sa hinaharap.

                                            /

062407